Ireretiro na sa susunod na season ng Boston Celtics ang No. 5 jersey na ginamit ni retired NBA star Kevin Garnett.

Anunsyo ito ng team sa kanilang home game nitong Biyernes kontra sa Los Angeles Clippers.

Sa pahayag naman ni Garnett, todo ang kanyang pasasalamat at malaking karangalan para sa kanya na ireretiro na ng Celtics ang numero nito.

“I’m honored and thankful to have my number retired with the Celtics,” saad sa pahayag ni Garnett. “I will always have immense respect and appreciation for ownership, (general manager) Danny Ainge, Doc Rivers, my past teammates and Celtic Nation!”

Anim na seasons ang itinagal ni Garnett sa Celtics makaraang i-trade ito ng Minnesota Timberwolves noong 2007.

Ginabayan ni Garnett ang Boston tungo sa NBA championship noong 2007-08 sa kanyang unang season, at Finals appearance noong 2009-10 ngunit talo sa Los Angeles Lakers.

Limang beses na napabilang sa All-Star teams si Garnett sa Boston bago magtawid-bakod sa brooklyn Nets noong 2013.

Si Garnett ang ika-23 manlalaro ng Celtics na ireretiro ang jersey number.