Abot-langit ang tuwa ngunit inaasahan na ng isang Cebuano na makapasok Topnotchers list sa inilabas na resulta ng October 2025 Licensure Examination for Electronics Technician.
Si Ace Bryle Ilustrisimo na tubong Liloan, Cebu at nagtapos ng Magna Cum Laude sa Cebu Institute of Technology – University ang siyang Topnotcher na may 92% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ilustrisimo, masayang ibinahagi nito na kahit pa man sa hirap na dinanas nito, pag-aaral man, sa personal na buhay maging sa pagrereview, hindi ito naging hadlang sa pagkamit ng kanyang pangarap.
Sinabi pa ng 23 anyos na binata na noong una’y goal umano nitong mag Rank 3 ngunit malaking biyaya ang ipinagkaloob ng Diyos sa kaniya at naging Topnotcher.
Maliban sa motibasyon nito sa kanyang pamilya at professor, malaki umano ang epekto ng “divine intervention” sa kanyang pag-aaral kaya’t maituturing din niya itong inspirasyon.
Dagdag pa nito na kahit pa man anak siya ng isang cashier ay ipinagmamalaki niya ito sa lahat dahilan upang siya ay maging isang ganap na engineer.
Ibinahagi pa ng binata na ang teknik sa kanyang tagumpay ay ang puspusang pag-aaral, pukos at determinasyon dahil ito rin aniya ang magsisilbing pundasyon sa magandang kinabukasan.
Payo naman nito sa mga nangangarap, at sa mga nagbabalak na kumuha ng board exam na huwag sumuko at magpatuloy sa laban na sinimulan, dahil ito rin aniya ang magbibigay lakas sa bawat hamon sa hinaharap.
















