Nadagdag bilang pinakabagong Pilipinong abogado na na-accredit para katawanin ang mga kliyente sa International Criminal Court (ICC) ang Cebuano na si Atty. Rameses Victorius Gatchalian Villagonzalo.
Si Atty. Villagonzalo ang pang-anim na Pilipino at kauna-unahan namang Cebuano na magsisilbing ICC counsel.
Kilala siya sa paghawak ng mga kilalang heinous crimes gaya ng pagdepensa niya kay Bella Ruby Santos na inakusahan ng kidnapping with homicide at kalaunan ay naabswelto sa pamamagitan ng demurrer to evidence noong 2014.
Nagtapos si Atty. Villagonzalo ng kursong law sa University of Southern Philippines. Ang kaniyang primary field of law practice ay criminal at penal laws at secondary on property and marriage laws.
Aniya, speechless at napakasaya niya nang matanggap ang kumpirmasyon ng ICC bilang bagong counsel nitong Huwebes, Nobiyembre 27.
Base sa criteria for admission ng ICC sa listahan ng counsel, dapat na mapatunayan ang kaniyang abilidad at kadalubhasaan sa international o criminal law and procedure.
Gayundin, dapat na may minimum na 10 taong karanasan sa criminal proceedings bilang hukom, prosecutor, advocate o sa ibang kaparehong kapasidad.
Dapat din na may kaalaman at bihasa sa isa mula sa dalawang lenggwaheng ginagamit ng korte, na English o French.















