Nagpatuloy ang ceasefire o tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza bago ang inaasahang pagpapalaya sa mga bihag na Israeli at mga bilanggo na Palestinian, at bago ang talumpati ni US President Donald Trump sa parlamento ng Israel.
Ayon kay Israeli government spokesperson Shosh Bedrosian, inaasahan ng Israel na magsisimulang palayain ang mga bihag ngayong umaga ng Lunes, kung saan sabay-sabay ilalabas ang 20 nabubuhay na hostage.
Aniya, handa na ang Israel na tanggapin ang mga bihag sakaling mapalaya sila nang mas maaga. Susundan naman ang pagpapalaya ng mga katawan ng natitirang 28 yumaong bihag.
Samantala, inaasahang darating si Trump sa Israel ngayong Lunes upang magsalita sa Knesset — pambansang parlamento ng Israel — bago bumiyahe patungong Sharm El Sheikh sa Egypt para sa isang world leaders’ summit ukol sa pagtatapos ng digmaan sa Gaza.
Nagbigay naman ng talumpati ang mga envoy ni Trump na sina Steve Witkoff at Jared Kushner sa isang rally sa Tel Aviv noong Sabado , na inaasahan ng maraming Israeli na ito na ang huling panawagan para sa pagpapalaya ng mga bihag at pagtatapos ng digmaan.