CAGYAN DE ORO CITY – Magpaabot ng tulong pinansyal ang local government unit ng Cagayan de Oro City para sa apat na probinsya na malubhang tinamaan ng bagyong Ulyssess sa Luzon Region.
Ito ay matapos ipinasa at hiniling ni City Mayor Oscar Moreno sa konseho ng lungsod na pinamunuan ni City Vice Mayor Rainer Joaquin Uy ang P4 million supplemental budget para magamit na financial donation sa mga pamilya na apektado ng matinding pagbaha partikular sa Cagayan Valley, Catanduanes, Isabela at Albay provinces.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni CdeO city administrator Teodoro ‘Teddy’ Sabuga-a na tig-P1 million ang ina-allocate ng Cagay-anons para sa nabanggit na mga probinsya upang pangdagdag tulong sa provincial governments para sa kanilang mga residente.
Inihayag ni Subaga-a na isasabay nila ang pagpapadala ng financial donations sa mga malilikom rin na relief goods at ibang in-kind mula sa donors ng lungsod at ibang bahagi ng rehiyon.
Ito ay mayroong kaugnayan sa pormal na pagbubukas ng ‘drop off center for donations’ sa Gaston Park na malapit lamang sa city hall at Archdiocese ng Cagayan de Oro.