-- Advertisements --

Umapela ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mambabatas, independent oversight bodies, at mga ahensya ng prosekusyon na pabilisin ang proseso ng imbestigasyon at pananagutan kaugnay sa umano’y korapsyon sa flood control projects. 

Ayon kay CBCP president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, dapat tiyakin na ang lahat ng kontrata ng pamahalaan ay isinasagawa nang may transparency at integridad, at walang halong katiwalian.

Binigyang-diin pa ni David, na sapat na ang mga naunang imbestigasyong nauwi lamang sa kompromiso at politikal na kasunduan, at hindi dapat pahintulutang maulit ang ganitong kalakaran.

Kaya naman nanawagan ang simbahan sa publiko na makiisa sa “Trillion Peso March” na gaganapin sa EDSA People Power Monument sa Linggo, alas-dos ng hapon.

Layunin aniya ng pagtitipon na magsilbing moral na paninindigan laban sa kultura ng korapsyon na nagpapahirap sa mamamayan, sumisira sa dignidad ng tao, at humahadlang sa kinabukasan ng bansa.

Ang pagtitipon din aniya ay bilang isang sandali ng panalangin, pagkakaisa, at pagkilos para sa katarungan at pananagutan.

Ayon sa simbahan, ang pagkilos ay hindi para sa pampulitikang destabilization kundi upang mapalakas ang demokrasya sa pamamagitan ng pagpapaalala na ang lahat ng pinuno ay dapat managot sa ilalim ng Konstitusyon at rule of law.