Umapela si Speaker Alan Peter Cayetano sa mga kritiko ng Anti-Terrorism Act of 2020 na basahin muna ang panukalang batas bago ito batikusin.

Ginawa ni Cayetano ang naturang apela sa kanyang sine die adjournment speech nitong Biyernes para sa mga tutol sa House Bill No. 6875.

Ang panukalang ito, na inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa noong Hunyo 3, ay binatikos ng mga kritiko dahil sa mga probisyon nitong umano’y paglabag sa karapatang pantao at freedom of speech.

Pero ayon kay Cayetano, bago pa man bansagan bilang “draconian” o “repressive” ang panukalang batas na ito, dapat basahin daw muna ng mga kritiko ang mga probisyon na nakapaloob dito.

Tiniyak naman din ng lider ng Kamara na iyong mga magpapahayag ng kanilang pagtutol sa pamahalaan at makibahagi sa mga kilos protesta ay hindi maituturing terorista base na rin sa probisyon ng panukala.

Base sa naganap na botohan noong Hunyo 3, nakatanggap ng botong 168 na affirmative, 36 negative, at 29 abstention sa Anti-Terror Bill, na naglalayong amiyendahan ang Human Security Act of 2007.

Layon ng panukalang ito na parusahan ang mga magpapanukala, mag-udyok, makipagsabwatan, at makibahagi sa planning, training, preparation at facilitation ng isang terrorist act; gayundin iyong magbibigay ng material support sa mga terorista, at ang mag-recruit ng mga miyembro para sa isang terrorist organization.

Sinuman ang magbanta na gumawa ng isang terrorist act o manghikayat sa iba na gumawa nito ay paparusahan ng 12 taon na pagkakakulong.

Parehas na parusa ang ipapataw sa magboluntaryong sasali sa isang organisasyon na kilalang grupo ng mga terorirsta at sa mga mapapatunayang nagsilbi bilang accessory sa isang terrorist act.

Samantala, ang mapapatunayang guilty naman na nakipagsabwatan sa isang terrorist act ay papatawan ng life imprisonment na walang parole.