Handang bitawan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kanyang posisyon sa Kamara anumang oras.
Pahayag ito ni Cayetano matapos na mapabalitang mayroong ikinakasang ouster plot laban sa kanya.
Ayon kay Cayetano, kaya niyang bitawan ang speakership post kung karamihan sa mga kongresista ay ayaw na sa kanya.
Pero hindi aniya siya papayag na magamit ang issue sa term-sharing agreement nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para ma-hijack ang mga pagdinig sa P4.5-trillion proposed national budget.
Umaapela si Cayetano sa mga kapwa niya kongresista na kung mayroong problema sa panukalang pambansang pondo ay idaan sa maayos na usapan.
“Kung ano kailangan ng distrito niyo, pag-usapan natin. Pero hindi po ko papayag dun sa pagtutulakan tayo,” ani Cayetano.
Ginawa ito ni Cayetano matapos na akusahan siyang may pinapaburan na distrito pagdating sa mga alokasyon para sa susunod na taon.
Partikular na tinukoy nito si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na kumuwestiyon sa P11.8 billion infrastructure funds share ng Camarines Sur at P8 billion naman para sa Taguig City.
Naniniwala si Cayetano na ang issue na ito ay bahagi lamang ng hakbang para siya ay mapatalsik bilang Speaker ng Kamara.