Hindi na natapos ng All-Star center na si Joel Embiid ang first quarter makaraang makaranas ng sprained left shoulder na siyang sinamantala upang iposte ng Cleveland Cavaliers ang panalo, 108-94.
Nagkaroon kasi nang banggaan sina Embiid at ang Cavaliers center na si Ante Zizic.
Nadagdagan ang kamalasan ng Sixers dahil ang kanilang All-Star guard na si Ben Simmons ay hindi rin nakapaglaro dahilan para bumagsak sila sa 9-21 record sa road games.
Malaking kawalan si Embiid dahil nito lamang nakalipas na Martes ay tumipa siya ng 49 points sa laban kontra sa Atlanta.
Ang panalo naman ng Cavs (17-41) na may worst record sa Eastern Conference ay sumunod sa swerte rin na laro nila kahapon.
Aminado ang Cavaliers forward na si Larry Nance Jr., na may 13 points at 15 rebounds, malaking kawalan sina Embiid at Simmons.
Nag-ambag din sa kampanya ng Cavs si Collin Sexton na nagpasok ng 28 points at iba pang limang players na pawang nasa double figures.
Si Tristan Thompson ay may 14 points at 13 rebounds pero si Cavaliers center Andre Drummond ay bigong maglaro dahil sa strained left calf.
Samantala pinatawan naman ng NBA ng multa si Embiid ng $25,000 dahil sa ginawa nitong bastos na gawi at pananalita sa court sa kasagsagan ng live television interview noong Martes.
Sa laro sa Huwebes ang 76ers ay host sa karibal na New York.
Ang Cavaliers naman ay bibisita sa New Orleans sa Sabado. Bago ito ang Cleveland ay dumanas na ng walong talo sa Pelicans.