Nananawagan si Catanduanes Gov. Joseph Cua sa national government para mapabilis ang pagbabalik ng koryente at operasyon ng mga telephone companies sa kanilang lalawigan.
Kanina, sa kauna-unahang pagkakatapos ang pananalasa ng bagyong Rolly ay nakontak na rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) si Gov. Cua sa pamamagitan ng satellite communication system na VSAT (Very Small Aperture Terminal) na set-up ng Office of the Civil Defense (OCD) sa region 5.
Sinabi ni Gov. Cua, kailangan din nila ng mga heavy equipment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa clearing operations sa halos lahat ng kanilang mga kalsadang hindi pa passable.
Ayon kay Gov. Cua, nasa limang katao ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyo sa kanilang lalawigan.
Kinumpirma din ni Gov. Cua na nagkaroon ng storm surge na umabot ng limang metro sa mga nasa baybaying lugar habang nananalasa ang bagyo.
Kaugna nito, tiniyak naman ni NDRRM Executive Director Ricardo Jalad at ni Presidential Spokesman Harry Roque na sa lalong madaling panahon ay dadalhin ng national government sa pamamagitan ng air assets ng Philippine Air Force (PAF) ang mga kinakailangang personnel at equipment sa Catanduanes.