-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sa susunod na linggo na umano posibleng matanggap na ng mga magsasaka ang P5,000 na cash grant mula sa pamahalaan at sa mga partner organizations at bangko nito.

Ito ang kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar sa mensaheng ipinadala nito sa Bombo Radyo Vigan.

Ang nasabing halaga ay tulong ng pamahalaan katuwang ang Land Bank at Development Bank of the Philippines, para sa mga magsasakang apektado ng mababang presyo ng palay matapos na maipatupad ang Rice Tarrification Law.

Aniya, magsisimulang maipamahagi sa mga benepisyaryo ang nasabing cash grant sa pamamagitan ng Rice Farmer Financial Assistance program sa December 23.

Ang mga magsasaka sa Pangasinan at Nueva Ecija ang mga priority areas dahil marami doon ang matinding tinamaan ng mababang presyo ng palay.

Tiniyak naman ng kalihim na mabusisi ang paggawa nila ng guidelines para sa unang 33-rice producing provinces at mga kwalipikadong magsasaka bilang benepisyaryo upang masiguro na sa mga totoong benepisyaryo mapupunta ang nabanggit na halaga.