Nilinaw ng Department of Health (DOH) na tuloy pa rin ang paglalabas nila ng mga mahahalagang impormasyon higgil sa COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa halip na ang nakasanayang daily case bulletins ay magpo-post pa rin ang DOH ng COVID-19 data na mayroong brief analysis bilang kapalit simula Enero 2022.
Nagdesisyon aniya ang DOH na itigil na ang paglalabas ng mga case bulletins na pino-post sa social media kada araw tuwing sasapit ang alas-4:00 ng hapon dahil karamihan sa mga detalyeng nakapaloob dito ay hindi rin aniya gaanong kapakipakinabang sa mga mamamayan sa ngayon.
Para sa DOH, ang nais aniyang makita kada araw ng publiko ay ang numero lamang ng mga naitatalang bagong COVID-19 cases at ang bilang ng mga namatay at gumaling pero hindi na ang sa ibabang bahagi ng case bulletin.
Kaya aniya nagdesisyon silang mag-restrategize at kausapin ang kanilang team sa kung paano mas maipahatid ng simple ang mga datos sa publiko.
Nauna nang sinabi ng DOH na simula Enero ay magbibigay sila ng case updates sa pamamagitan ng kanilang online tracker.
Pero sinabi ni Vergeire na maglalabas pa rin naman sila ng advisories na maglalaman ng daily reported cases at brief analysis ng mga figures na nakapaloob dito.
Iginiit pa niya na ang format na ito ay mas maganda kaysa naman sa magbigay lang sila ng raw data sa publiko.
Mababatid na ang desisyon ng DOH na ihinto na ang paglalabas ng case bulletins ay kasunod na rin nang naitalang bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila kumpara sa mga nakalipas na linggo sa gitna na rin ng holiday season.