-- Advertisements --

Ibinunyag ng aktres na si Carla Abellana na minsan na rin siyang naisip na pumasok sa pulitika ngunit para sa mga maling dahilan tulad ng yaman at marangyang pamumuhay.

Sa kabila nito, iginiit niyang hindi siya kayang dalhin ng kanyang konsensiya sa ganitong landas.

Sa panayam niya kay Boy Abunda noong Huwebes, inamin ng aktres na natutukso siyang sumabak sa politika dahil sa umano’y katiwalian na kanyang nasasaksihan.

“May integrity ako. May konsensiya po ako. I cannot, I do not see myself in politics… Ayoko pumasok for the wrong reasons,” pahayag ni Abellana.

Kamakailan, tinagurian si Abellana ng mga netizen bilang “Queen of Call Out” dahil sa kanyang pagiging lantad sa social media pagdating sa isyu ng korapsyon sa gobyerno at mga problema sa mga service company.

Partikular niyang kinondena ang mga kuwestyunableng flood control projects, sabay iginiit ang kanyang galit bilang isang tapat na nagbabayad ng buwis.

“Masakit po ’yun for us. Whether maliit lang o malaki ang taxes na binabayaran niyo, dapat magalit po kayo,” aniya.

Hiniling din niya ang aktwal na pananagutan sa mga sangkot sa anomalya.

“Dapat may makulong. Dapat may managot. Hindi lang hearing o investigation—dapat may parusa,” giit ng aktres.