Pinaalalahanan ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang publiko na bagama’t mailap ang pag-asa, nananatili itong matatag at mas nagliliwanag lalo sa gitna ng dilim at kawalan ng pag-asa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cardinal David na maraming Pilipino ang hindi naramdaman ang pag-asa noong 2025, sa kabila ng deklarasyon ng taon bilang “Year of Hope.” Kabilang sa mga hamon na ito ang mga nawawalang sabungero, biktima ng drug war, mga kontrobersiya sa pamahalaan, sunod-sunod na sakuna, at lumalalang online gambling addiction.
Gayunman, iginiit ng kardinal na ang tunay na pag-asa ay hindi nangangahulugang pag-iwas sa dilim kundi ang pagsilang nito sa oras ng matinding pagsubok.
Hinikayat din niya ang publiko na piliin ang pag-asa at isabuhay ang malasakit at habag, kahit sa maliliit na paraan, sapagkat ang kabutihan ay may kakayahang magpabago ng tao.
“Kahit ngiti lang, o simpleng kamusta, o pag-alalay sa mga nauulila, basta may malasakit, nakapagpapaangat ito ng dangal,” ani Cardinal David sa kanyang pagbisita sa Caloocan City Jail.
















