Nagdududa ang ilang kritiko sa panibagong sistema na inilunsad sa New Delhi na makakatulong umano sa lungsod upang mabawasan ang lumalalang problema nito sa usok.
Ito ay matapos mapagdesisyunan ng gobyerno ang pagpapatupad ng car rationing system kasabay na rin ng patuloy na pakikipaglaban ng New Delhi sa polusyon.
Paliwanag ng mga opisyal, ang mga pampribadong sasakyan na mayroong even at odd number plates ay papayagan dumaan sa mga kalsada sa mga altenate days simula Nobyembre 4-15.
Unang ipinakilala ang naturang sistema sa bansa noong 2016 at 2017 ngunit palaisipan pa rin kung epektibo ito upang mabawasan ang polusyon sa lungsod.
Tumaas na raw kasi ang lebel ng dangerous particles sa hangin o mas kilala bilang PM2.5 na nagiging sanhi nang nakasusulasok na usok na nalalanghap naman ng mamamayan at nagdudulot ng sakit sa respiratory system.
Ayon kay Delhi Chief Minister Arvind Kejriwal, ang car rationing system o odd-even plan ay makakatulong na mabawasan ng libo-libong sasakyan na bumabyahe araw-araw.
Pagbabayarin ang sinomang lalabag sa naturang patakaran ng hanggang 4,000 rupees o 3,000 piso.
Tanging mga public transport, emergency vehicles, taxi at two-wheeler vehicles lamang ang papayagan na hindi sumunod sa bagong sistema.
Patuloy naman ang panawagan ng mga health officials sa mamamayan na manatili na lamang sa loob ng kanilang mga bahay at umiwas sa kahit anong aktibidad kung saan kakailanganin nilang lumabas.