-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Patay na nang matagpuan sa loob ng hotel room ang isang Canadian national sa Boracay.

Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Police Station, nakatakda na sanang mag-check-out ang 68-anyos na lalaking biktima ngunit hindi pa ito lumalabas kaya pinuntahan na ng staff.

Laking gulat ng empleyado na bumungad sa kaniya ang wala ng buhay na turista kaya kaagad tumawag ang mga ito sa tanggapan ng pulisya.

Sa isinagawang imbestigasyon, idineklarang natural death ang naging sanhi ng pagkamatay ng dayuhan kung saan ayon sa doktor na sumuri ay posibleng inatake sa puso ang biktima.

Ang bangkay ng turista ay kasalukuyan ng nasa funeral parlor sa mainland Malay.

Kamakailan lang din nang dalawang bangkay ng turista ang natagpuan sa loob ng isang hotel room sa Barangay Balabag sa Boracay.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo, kinilala ng Boracay-Philippine National Police ang mga biktima na sina Dennis Yu, isang Filipino, 44, na residente ng probinsya ng Rizal; at si Maria Cecilia Jellicode, 44, Australian national at residente ng Metro Manila.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagbabakasyon ang dalawa kung saan mismong hotel staff ang nakadiskubre sa bangkay ng mga ito matapos na mapansin na hindi na sila nakakalabas sa inuupahang silid.

Kaagad namang isinailalim sa antigen test ang mga bakasyunista na isinagawa ng Municipal Health Office ng bayan ng Malay.