-- Advertisements --

Nanawagan si Marco Gallo sa publiko matapos manakaw ang cellphone ng kaibigan at co-actor nitong si Lance Carr sa katatapos lang na “Vivarkada” concert sa Araneta Coliseum.

Sa isang Instagram post noong Sabado, Agosto 16, ibinahagi ni Marco ang mga larawan at video ng isang babae mula sa audience na hinihinalang kumuha ng telepono ni Lance.

Makikita sa video ang kamay ng babae na inilalagay sa likurang bulsa ng pantalon ni Lance habang abala ito sa pakikipag-interact sa audience.

Ayon kay Marco, nakuha nila ang mga video mula sa ilang concertgoers na tumulong sa kanila. Bagamat hindi pa sila makagawa ng tiyak na konklusyon, sinabi niyang ang mga kuha ay “nakakapagtaka” at maaari raw makatulong sa pagbawi ng cellphone.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Lance tungkol sa insidente.

Sina Marco at Lance ay kabilang sa mga pangunahing bituin ng Vivarkada concert, kasama ang iba pang Viva talents tulad nina Heaven Peralejo, Jerome Ponce, Andres Muhlach, Bea Binene, Jairus Aquino, at marami pang iba.