-- Advertisements --

Inanunsyo ni Canadian Prime Minister Mark Carney nitong Huwebes (araw sa Pilipinas) na plano na ng Canada na kilalanin ang Estado ng Palestine sa darating na United Nations General Assembly sa Setyembre, 2025, kasunod ng lumalalang gutom at krisis sa Gaza,

Ang desisyong ito ay kasunod ng katulad na hakbang mula sa France at Britain, na parehong nagpahayag ng intensyon na kilalanin ang Palestine kung hindi titigil ang Israel sa bakbakan sa Gaza.

Ayon kay Carney, ang patuloy na kagutuman at pinsala sa Gaza ay nagpapakita umano ng unti-unting paglaho ng posibilidad ng pagkakaroon ng isang malayang estado para sa mga Palestinian.

Binatikos din niya ang gobyerno ng Israel sa pagpapabaya sa lumalalang krisis sa Gaza.

Sinabi rin ni Carney na ang desisyon ng Canada ay nakabatay sa pangakong reporma ng Palestinian Authority, kabilang ang planong eleksyon sa 2026 kung saan hindi maaaring lumahok ang Hamas.

Samantala, mariin itong tinutulan ng Israel at ng Estados Unidos. Ayon sa Israeli Foreign Ministry, ito ay magpapakita lamang ng pagsuporta sa terorismong ginagawa ng grupo ng Hamas at hadlang sa pagsisikap na makamit ang tigil-putukan.

Inulit ni U.S. President Donald Trump ang pagtutol sa pagkilala, at tinawag itong maling hakbang na nagbibigay gantimpala sa mga terorista.

Batay naman sa datos ng Gaza health ministry, umabot na sa 154 ang namatay dahil sa gutom at malnutrisyon, karamihan ay mga bata.

Nitong Miyerkules (araw sa Gaza), iniulat din ang pagkamatay ng isang dalawang taong gulang na batang babae dahil sa kakulangan ng gatas para sa kanyang kondisyon.

Bagama’t inihayag ng Israel ang pansamantalang ititigil-ang opensiba sa ilang bahagi ng Gaza para makapasok ang mga ayuda, sinabi ng United Nations na ang bilang ng pagkaing nakakarating ay hindi pa rin sapat.

Maalala na ang digmaan sa Gaza ay nagsimula noong Oktubre 7, 2023, matapos ang pag-atake ng Hamas sa timog Israel kung saan 1,200 ang namatay at 251 ang dinukot, ayon sa Israel. Simula noon, higit 60,000 na ang nasawi sa Gaza ayon sa local health ministry ng Gaza.