BANGKOK, Thailand – Nakaalerto na rin pati ang Royal Thai Navy matapos na pinasok ng Cambodian naval forces ang karagatan na sakop ng Trat, Thailand alas-singko nitong medaling araw.
Ayon sa report, namataan ng Thai Navy ang Cambodian Naval forces bandang madaling araw nitong Sabado, Hulyo 26 at nagkaroon ng palitan ng putok mula sa magkabilang kampo.
Nagsimulang umatake ang tropa ng Cambodia alas-5:10 AM sa Chamrak area sa probinsiya ng Trat.
Mabilis namang rumesponde ang mga sundalo ng Thailand na nakabase sa Chanthaburi-Trat Border.
Naglunsad ng operasyon ang Royal Thai Navy sa “Trat Phikhat Pharai 1” upang pabalikin at sirain ang posisyon ng Cambodian military na pumasok sa tatlong lokasyon na sakop ng Thai territory.
Alas-5:40 ng umaga ng tuluyang mapaalis ng Thai naval forces ang presensiya ng Cambodian military sa kanilang nasasakupan.
Ito na ang pangatlong araw ng engkwentro sa pagitan ng mga military ng Cambodia at Thailand.
Nabatid na ang tensyon sa pagitan ng Thailand at Cambodia ay may mahigit isang siglo nang kasaysayan, na nagsimula pa noong panahon ng kolonyalismo.
Pero ang muling pagsiklab ng karahasan ngyaong taon ay nag-umpisa noong Mayo 28, 2025, kung saan Isang Cambodian soldier ang napatay sa sagupaan sa Emerald Triangle, na parehong inaangkin ng dalawang bansa.
Unang bahagi ng Hulyo 2025, nagkaroon ng airstrikes, artillery exchanges, at pagbomba sa mga border villages.
Libu-libong sibilyan ang lumikas at maraming bansa na ang nananawagan para sa kapayapaan sa pagitan ng magkatabing nasyon.