-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Inaasahan ng Aklan provincial government na ang bagong flights sa Kalibo International Airport ay magdadala ng mas maraming Russian tourist sa Western Visayas lalo na sa isla ng Boracay at susuporta sa layunin ng gobyerno para sa inklusibo at sustenableng pag-unlad ng turismo sa bansa.

Kaugnay nito, ikinagalak ni Aklan governor Jose Enrique Miraflores ang kauna-unahang paglapag sa nasabing paliparan ng Iraero Airlines mula sa Irkutsk, Russia na may sakay na mga Russian tourists papunta sa isla ng Boracay.

Aniya, malaki itong tagumpay para sa regional connectivity at pagpapalakas pa ng turismo kasunod na rin sa patuloy na pagpromote ng Boracay bilang nangungunang tourist destination hindi lamang sa Asia kundi maging sa buong mundo.

Maliban dito, ang pagdating ng mga Russian tourist ay magpapayabong din sa kultural at pang-ekonomiyang ugnayan ng Pilipinas at Russia.

Ang Iraero Airlines ay may rutang Kalibo–Irkutsk at Kalibo–Khabarovsk vice versa na lilipad bawat araw ng Martes at Sabado.