-- Advertisements --

Hindi na itutuloy ng Kamara ang planong alisin ang buwis na ipinapataw sa vape at mga heated tobacco products.

Pahayag ito ni House ways and means committee Chairman Joey Salceda matapos na linawin ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na hindi total ban ang kanyang ipinapanawagan, kundi ipagbabawal lamang ang paggamit ng vape at heated tobacco products sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Salceda, inirekomenda sa kanila ng Department of Finance na panatilihin na lamang ng Kamara ang probisyon ng House Bill 1026 na nagtataas ng buwis sa vape at e-cigarettes mula sa kasalukuyang itinatakda ng Republic Act No. 11346.

Subalit dahil sa panibagong pahayag ng Pangulo, sinabi ni Salceda na pinag-aaralan nila sa ngayon na itaas pa ang buwis sa vape mula P25/ml sa kasalukuyang bersyon ng panukala at gawing P45/ml.

Karamihan naman kasi aniya sa 1 million katao na gumagamit ng vape sa bansa ay napapabilang sa upper middle at high income class, habang 7 million naman sa 23 million na naninigarilyo ang napapabilang sa lowest 50 percent.