CAGAYAN DE ORO CITY – Handa si Lanao del Sur Provincial Police Office Director Col Madzghani Mukaram na atakehin ang lungga na pinagtataguan ng 11 na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na tinuturong responsable sa pag-ambush patay sa isang pulis at sibilyan sa may Binidayan-Ganassi at Pagayawan Lanao del Sur.

Ito’y kapag patuloy na magmatigas ang mga suspek na sumuko sa himpilan ng pulisya.

Nagbanta si Mukaram na ipaghihiganti niya ang pagkamatay ni Police Executive Master Sargeant Amen Lucman Macalangan lalo pa’t nangako siya sa pamilya nito na mabigyan hustisya ang kaniyang sinapit.

Aniya, aatasan niya ang lahat ng mga pulis sa Lanao del Sur na salakayin ang mga suspek at pulbusin kung lumaban.

Kung maalala, naging emosyonal si Mukaram sa pagkamatay ni Macalangan lalo pa’t magaling ito magtrabaho at isang matinong opisyal ng pulis.