MAGUINDANAO – Nagpapatuloy ang tensyon sa ilang bayan ng Maguindanao dahil sa gabi-gabing patuloy na pagpapalitan ng putok sa pagitan ng militar at ang rebeldeng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Sa nakalap na impormasyon ng Star FM Cotabato, pasado alas-10:00 ng gabi kagabi ay bumagsak umano ang isang pampasabog sa isang tahanan sa Datu Shariff Saydona Mustapha kung saan isang buntis na ginang ang nasawi.

Ang biktima ay kinilalang si Rabiyah Damada Lakim na ipinagbubuntis ang ikalawa sanang anak na naisugod pa sa Maguindanao Provincial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Panawagan ng mga residente sa pamahalaan na sana ay magawan ng aksyon para matigil na ang sagupaan para hindi na naiipit pa ang mga sibilyan.