-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Inihayag ng isa sa mga ina ng mga sundalong namatay na dating nakaburol ang bangkay sa loob ng gym ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Cagayan de Oro City na dumaan umano sa pagkasira ang C-130 plane bago ito bumagsak sa Patikul, Sulu noong nakaraang araw na Linggo.

Ito ang sinabi ng ina ng yumaong private first class na si Vic Monera ng Maramag, Bukidnon sa panayam ng Bombo Radyo sa loob ng 4th ID gym.

Isinalaysay ni Gng Monera na dapat na umalis ang kanyang anak at mga kapwa sundalo para sa kanilang bagong assignment patungo Sulu noong araw na Sabado pa.

Subalit dahil sinabi na may depekto ang eroplano ay nakansela ito at itinuloy lamang noong araw na ng Linggo ng umaga na mismong naganap ang trahedya.

Laking gulat na lamang ni Gng Monera nang marinig ang balita na bumagsak ang nasabing eroplano at kabilang ang anak niya sa mga nasawi.

Magugunitang nakarating ang mga bangkay ng anim sa 37 sundalo mula 4th ID na kabilang sa nasawi.

Ang mga sundalong ito ay nanggaling sa Bukidnon, Misamis Oriental at Agusan del Norte sa Caraga region.

Binigyan ng 4th ID Philippine Army sa Camp Evangelista Patag, Cagayan de Oro City ang mga sundalong nasawi para sa kanilang kadakilaan bago sila dalhin sa kanilang indibididwal na tirahan sa Mindanao.