Nagpakita ng mga panibagong aktibidad ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon ayon yan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon kasi sa mga naitalang datos ng Phivolcs, nakapagtala ng hindi bababa sa 72 na mga pagyanig ang bulkan simula nitong 12:00mn ng Sabado, Oktubre 11.
Sa inilabas na abiso ng ahensya, ang mga pagyanig na ito ay maaaring maiugnay sa pagkasira ng bato at na may lalim na wala pang 10 kilometro sa hilagang bahagi ng bulkan.
May mga napansin ding degassing sa mga naitalang aktibong aktibidad ng Bulusan nitong mga nakaraang araw kaya naman patuloy ang isinasagawang monitoring ng ahensya sa mga aktibidad nito sa ngayon.
Samantala, sa ngayon nakapagbuga na ng 31 tonelada ng sulfur dioxide ang Bulkang Bulusan simula pa nitong Huwebes, Oktubre 9 habang nakataas naman sa ngayon ang unang antas ng alerto sa bulkan at sa paligid nito.