-- Advertisements --

Ginawaran ng Presidential Commendation ang K-pop supergroup na BTS sa 5th Korea Good Donation Awards dahil sa kanilang Love Myself initiative, ayon sa kanilang music label na Big Hit Music.

Ang BTS ang kauna-unahang Korean artist na tumanggap ng naturang parangal.

Ang awarding ceremony ay pinangunahan ng Ministry of Interior and Safety ng South Korea , na nagbibigay pagkilala sa mga indibidwal at grupong nagtataguyod ng kabutihan at kultura ng pagkakawang-gawa sa lipunan.

Sa isang pahayag, sinabi ng BTS na isang karangalan para sa kanila ang naturang pagkilala at inialay ang parangal sa kanilang fans na ARMY, sabay pangakong ipagpapatuloy ang kanilang adbokasiya para sa positibong pagbabago.

Una rito, inilunsad noong 2017 ang naturang inisyatiba katuwang ang UNICEF Korea.

Layunin ng Love Myself campaign na isulong ang pagmamahal sa sarili at wakasan ang karahasan laban sa mga bata at kabataan. Lumawak na ito sa 155 bansa, umabot sa mahigit 100 milyong katao, at nakalikom ng humigit-kumulang 9.2 bilyong won para sa global child protection program ng UNICEF.

Samantala, inanunsyo rin ng BTS na naghahanda sila para sa isang world tour at bagong album na ilulunsad sa spring ng 2026.