-- Advertisements --

Aabot sa 50 katao, kabilang ang 33 bata, ang nasawi matapos atakihin ng drone ang isang kindergarten sa bayan ng Kalogi, ayon sa Sudan Doctors’ Network at sa Sudanese military.

Iniulat na ang paramilitary group na Rapid Support Forces (RSF) ay matagal nang nakikipaglaban sa gobyerno, habang inakusahan naman ng pamahalaan ang RSF sa mga pag-atake.

Gayunpaman, iginiit ng RSF na ang militar umano ang nasa likod ng drone strike sa isang pamilihan sa Darfur, na tumama rin sa fuel depot sa Adre border sa Chad.

Nabati na simula Abril 2023, uminit na ang sigalot sa pagitan ng RSF at mga tropa ng Sudan matapos ang hidwaan sa kapangyarihan sa pamahalaan, na nagdulot ng patuloy na civil war sa bansa.

Ayon sa army-aligned foreign ministry, dalawang beses tinamaan ng drone missile ang kindergarten, pati na ang mga sibilyan at medical team na nagresponde lamang sa lugar.

Dahil sa insidente, kinondena ng UNICEF ang pangyayari at tinawag itong “horrific violation of children’s rights,” nanawagan sa lahat ng partido na itigil ang ganitong pag-atake at payagang makarating ang tulong sa mga nangangailangan.