-- Advertisements --

Patuloy na nakakaranas ng matinding panghihina, lagnat, at halos walang laman ang tiyan na kalagayan ng maraming batang Palestinian sa Gaza, kabilang ang siyam na buwang gulang na si Khaled, na dumaranas ng malnutrisyon simula pa noong siya’y dalawang buwan pa lamang na ngayon ay may timbang na 5 kilo lamang ayon sa ulat ng Associated Press (AP).

Si Khaled ay kasalukuyang ginagamot sa pangunahing pediatric hospital ng Gaza, kung saan siya ay tinutulungan ng mga doktor sa pamamagitan ng feeding tube. Subalit ayon sa kanyang ina na si Wedad Abdelaal, kulang pa rin ang suplay ng pagkain at gamot.

Tatlong buwan na mula nang isara ng Israel ang mga border papasok ng Gaza — ang pinakamahabang blockade mula nang magsimula ang digmaan. Ayon sa United Nations, higit 80% ng mga residente ng Gaza ay umaasa na lamang sa ayuda, ngunit halos wala nang natitirang pagkain sa mga warehouse, at sarado na ang karamihan ng community kitchens at paniderya.

Araw-araw ay nagkakagulo ang libo-libong tao — karamihan ay bata — sa pila para sa kaunting pagkain. Maraming mga nutrition centers ang nagsara na rin dahil sa pambobomba at kakulangan ng suplay. Ang mga bata tulad ni Khaled ay unti-unting naghihingalo, at ang mga ospital ay halos hindi narin makasabay sa dami ng kaso ng malnutrisyon.

Ayon sa UNICEF, higit 9,000 na bata ang ginamot para sa acute malnutrition ngayong taon, at patuloy itong tumataas. Kapos na rin ang therapeutic food at mga bitamina. Dahil dito, marami sa mga magulang ang pinaghahatian ang limitadong gamot para lang may maibigay sa lahat ng anak nila, kahit hindi ito sapat.

Ang mga magulang tulad ni Wedad ay desperado na, ang apat pa niyang anak ay nasa tent, gutom at mga payat din. Ang asawa niyang may sakit sa puso ay hindi narin makakilos.

Ang tanong nila: kailan titigil ang pagkakait ng pagkain sa kanilang mga anak?

Ayon sa World Health Organization, malinaw na may panganib ng mass starvation sa Gaza, at kung walang aksyon, milyon-milyong bata ang magdurusa o mamamatay dahil sa mga sanhi na dapat sana ay naiwasan.

‘We are breaking the bodies and minds of the children of Gaza,’ babala ni Michael Ryan ng WHO.

‘Because if we don’t do something about it, we are complicit in what is happening before our very eyes…The children should not have to pay the price,’ dagdag pa nito.