Nagsisilabasan ngayon ang mas marami pang ebidensiya ng mass killings o masaker ng paramilitary group na Rapid Support Forces (RSF) sa el-Fasher, isang siyudad sa Darfur Region ng Sudan.
Kabilang na dito ang karumal-dumal na pagpatay sa isang maternity hospital sa el-Fasher nitong weekend kung saan pinaslang ng RSF fighters ang 460 katao kabilang ang mga pasyente, kanilang companions maging ang mga medical staff.
Base sa kumalat na video na ibinahagi ng Gobernador ng Darfur region, makikita ang mga labi ng mga pinaslang na mga biktima sa may sahig ng ospital na balot ng dugo.
Sa mga salaysay din ng mga testigo, nagbabahay-bahay ang paramilitary group kung saan sinasaktan at pinapatay ang mga sibilyan kabilang ang mga kababaihan at mga bata.
Marami rin ang nasawi dahil sa tama ng bala sa mga daanan habang sinusubukang makatakas patungo sa ligtas na lugar.
Kaugnay nito, nananawagan na ang World Health Organization (WHO) para sa agarang ceasefire o pagtigil ng mass killings sa Sudan.
Samantala, itinaggi naman ng United Arab Emirates (UAE) ang mga ebidensiyang nagsusuplay umano ito ng mga armas sa paramilitary group.
Matatandaan, dalawang taon na ang nakakalipas mula 2023 nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng Rapid Support Forces at Sudanese Military Forces, mahigit 40,000 katao na ang nasawi at nagresulta sa pinakamalubhang humanitarian crisis sa buong mundo na nagpa-displace sa mahigit 14 milyong indibidwal.
Nagsimulang kubkubin ng militia group ang el-Fasher noong Mayo 2024 at hinarangan ang mga pangunahing ruta papasok sa siyudad. Inanunsiyo ng grupo na ganap na nilang nakontrol ang el-Fasher noong linggo, Oktubre 26 ng kasalukuyang taon.
 
		 
			 
        














