-- Advertisements --

Kinumpirma ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na tinanggap na niya ang imbitasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na magsilbi siyang Finance secretary sa incoming administration.

Paliwanag ni Diokno, ang pagtanggap niya sa posisyon bilang kalihim ng Department of Finance (DOF) ay dahil sa kanyang paniniwala sa kahalagahan ng “policy continuity.”

Todo pasasalamat naman si Diokno sa pagbibigay tiwala sa kanya ni Marcos na muling makapagsilbi sa bayan sa ibang kapasidad.

BSP DIOKNO

Kaugnay nito, tiniyak ni Diokno na bilang susunod na Finance secretary lalo niyang pag-iigihan ang pagbalanse sa pagsusulong sa economic growth at pagmantine sa fiscal discipline.

Dahil sa bagong appointment ni Diokno mapuputol ang kanyang termino bilang BSP chief na pormal sanang magtatapos sa July 2023.

Una na siyang na-appoint ni outgoing President Rodrigo Duterte bilang BSP governor noong March 2019.

Ang papasok na Marcos administration ay nag-anunsiyo na rin na ang ipapalit kay Diokno ay si dating NEDA chief Dr. Felipe Medalla.

Sa ilalim ng liderato ni Diokno ang BSP ang sinasabing kabilang sa mga unang central banks sa buong mundo na nanguna sa pagresponde sa COVID-19 crisis.

Ang pag-implementa aniya ng mga “extraordinary monetary measures” ay nakatulong ng malaki upang maibsan ang matinding epekto ng pandemya sa ekonomiya ng Pilipinas.

Kabilang sa agarang naisulong ay ang paggamit ng maraming mamamayan sa “financial digitalization.”

Sa panahon ding ito ang “The Banker” isang influential international publication na pag-aari ng Financial Times ay kinilala si Gov. Diokno bilang “Global Central Bank Governor of the Year 2022.”

“It is an honor to serve the Filipino people in my current and any future capacity. I am grateful and humbled by the trust given to me by the President-elect to help his administration manage the country’s fiscal affairs,” ani Governor Diokno. “Prior to the pandemic, the Philippines was poised to transition into an upper-middle-income economy, thanks largely to sound economic policies put in place over decades by multiple administrations. As the country transitions to the next administration, it is my view that continuity of sound macro and fiscal policies is important to achieve the stronger post-COVID Philippine economy that we all aim for.”