Inamin ni British Member of Parliament (MP) at Health Minister Nadine Dorries na nagpositibo ito sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Dorries, matapos malaman na kinapitan na rin ito ng COVID-19 ay ginawa nito ang lahat ng mga pag-iingat.

Katunayan ay sumailalim din daw ito sa self-isolation sa kanyang bahay.

Sa kasalukuyan ay tinutunton na raw ng mga health officials kung saan nito nakuha ang virus at sino ang kanyang mga nakasalamuha.

Ang 62-anyos na opisyal ang kauna-unahang British politician na na-diagnose na may COVID-19.

Batay sa ulat, marami rin umano ang nakasalamuha ni Dorries, kasama na si Prime Minister Boris Johnson.

Dumalo kasi si Dorries sa isang Downing Street reception noong nakalipas na linggo para sa International Women’s Day, kung saan naroon din sina Johnson at ang kanyang fiancee na si Carrie Symonds. (CNA)