CEBU CITY – Iniimbestigahan ng Police Regional Office (PRO)-7 ang nangyaring shootout sa Brgy. Lawaan 3, sa lungsod ng Talisay, Cebu, kung saan tatlo ang patay kasama na ang barangay kapitan at isang dating US Marine Officer.

Ito’y matapos na nauwi sa madugong barilan ang pakikipag-ayos sana nina Dean Torefranca, isang retired US Marine officer, at Jed Ybañez.

Base sa initial investigation ng PNP, nagsimula ito sa bangayan ng dalawa tungkol sa mga naiwang family properties ng ina ni Jed na si Delia Ybañez.

Sinubukan namang ayusin ng kapitan ng nasabing barangay na si Jimmy Bartili ang sigalot ng dalawa ngunit nauwi ito sa barilan.

Patay sina Jed Ybañez at Bartili matapos umano itong barilin ni Torefranca at nagtatago ito agad nang rumesponde ang mga pulis.

Ngunit naging mas mainit ang tensyon nito nang sinunog umano ni Torefranca ang pamamahay nito habang nakikipagbarilan ito sa mga pulis.

Makalipas ang isang oras na putukan, natagpuang patay si Torefranca sa loob ng second floor ng kanilang pamamahay.

Sinabi ni PRO-7 Director Police BGen. Debold Sinas na sinusuri pa ng mga imbestigador kung namatay ba si Torefranca sa barilan o na-suffocate lang umano sa naturang sunog.

Dagdag pa ni Sinas na susuriin din ang background ni Torefranca bilang dating opisyal ng US Marines.