-- Advertisements --
abalos dilg percy lapid

Isiniwalat ng suspek sa pamamaril sa broadcaster na si Percy Lapid na kinilala ng pulisya na si Joel Estorial na mula mismo umano sa loob ng Bilibid ang utak ng nangyaring krimen.

Ipinahayag ito ni Estorial sa harap ng media matapos siyang iharap ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa isang pulong balitaan na ginanap ngayong araw dito sa Camp Crame.

Salaysay ng suspek, nasa P550,000 ang halagang ibinayad ng taong nangontrata sa kanila mula sa Bilibid na pinaghati-hatian naman aniya nila ng anim pa niyang ibang mga kasama kung saan nasa P140,000 naman daw ang kaniyang natanggap na inihulog naman daw sa kaniyang bank account.

Kasabay ng kaniyang boluntaryong pagsuko sa mga pulis kahapon ay ang itinuro rin niya ang tatlo pa sa kaniyang mga kasamahan na kinalala namang sina Edmon Dimaculangan, Israel Dimaculangan, at isang alyas Orly (hindi pa nalalaman ang tunay na pangalan).

Sa kasalukuyan ay matipid pa rin ang ibinibigay na detalye ng mga kinauukulan dahil sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon ukol dito kabilang na ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng personalidad na nag-utos na ipatumba si Lapid mula sa loob ng Bilibid.

percy lapid gunmen suspects

Nabatid na kusang sumuko si Estorial sa pulisya sa tulong ng isang taong may kakilalang pulis dahil sa takot para sa kaniyang kaligtasan matapos na ilabas ng mga kinauukulan sa publiko ang kaniyang larawan.

Una nang nagtakada ang DILG at pulisya ng P6.5 million na reward money sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikakahuli ng mga suspek sa pagpatay kay Lapid.