Pumalo na sa higit 100,000 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 sa bansa, batay sa anunsyo ng Department of Health (DOH).

Nakapagtala ng bagong record na 5,032 new confirmed cases ang ahensya, na nagpataas ng total sa 103,185.

Mula sa nabanggit na bilang ng mga bagong kaso, 2,114 ang mula fresh cases o mga confirmed cases na lumabas ang test results at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.

Nasa 2,918 naman ang late cases o mga confirmed cases na lumabas ang test result sa nakalipas na apat na araw, pero ngayon lang na-validate.

Ang numero ng new confirmed cases ay resulta ng submission ng 70 mula sa 94 na lisensyadong laboratoryo.

Pinaka-maraming naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region. Partikular na sa Quezon City, Maynila, Makati, Caloocan at Taguig City.

Mula sa higit 100,000 na total cases, nasa 35,569 pa ang nagpapagaling o active cases.

Samantala, 301 na mga bagong kaso ng gumaling ang naitala rin ng ahensya kaya nasa 65,557 na ang total recoveries.

Habang 20 ang bagong reported na namatay. Ang total death toll ay 2,059.

“There were 79 duplicates that were removed from the total case count. Of these, eight recovered cases have been removed.”

“Moreover, one case that was previously reported to have recovered has been validated to have died and already included in the count of new deaths.”