Inihayag ng Brazil na tinatapos na nito ang mga dokumento upang opisyal na sumali sa kaso ng South Africa laban sa Israel sa International Court of Justice (ICJ) kaugnay ng umano’y genocide sa Gaza.
Ang kaso, na isinampa ng South Africa noong 2023, ay nag-aakusa sa Israel ng paglabag sa 1948 Genocide Convention dahil sa mga pag-atake nito sa mga sibilyan sa Gaza sa gitna ng digmaan laban sa grupong Hamas.
Ayon sa reklamo, tinarget umano ng Israel hindi lamang ang Hamas kundi pati ang mga paaralan, ospital, camps, at shelters.
Kaugnay pa nito sumali narin sa kaso ang ilang bansa tulad ng Spain, Turkey, at Colombia.
Sa pahayag ng Brazil, kinondena nito ang mga paglabag sa international law na ginagawa umano ng Isrel kabilang na ang sapilitang pag-aangkin ng mg teritoryo.
Dagdag pa nito ang matinding pagkagalit sa dinaranas na karahasan ng mga sibilyan.
Mariin namang itinanggi ng Israel ang mga akusasyon at iginiit na ang layunin lamang nito ay lusubin ang Hamas. Tinawag ng mga abogado ng Israel ang kaso ng South Africa bilang maling paggamit ng genocide convention.
Samantala, tinuligsa rin ng Israeli embassy sa Brasilia ang pahayag ng Brazil, at sinabing hindi nito lubos na nailalarawan ang tunay na kalagayan sa Gaza at binabaliwala rin umano nito ang papel ng Hamas.
Kinondena rin ng Brazilian National Israeli association (CONIB) ang desisyon, at tinawag itong “The breaking of Brazil’s long-standing friendship and partnership” sa pagitan ng Brazil at Israel.
Bagamat matagal nang kritiko ni Pangulong Luiz Inacio Lula da Silva ang mga aksyon ng Israel sa Gaza, mas mabigat ang kahulugan ng hakbang na ito ngayon, lalo’t tumitindi rin ang tensyon sa pagitan ng Brazil at Estados Unidos—na kaalyado ng Israel.
Gayunman, ayon sa isang diplomat na malapit sa administrasyong Lula, hindi inaasahan ng Brazil na maaapektuhan ang relasyon nito sa Washington sa kabila ng isyung ito.