Naitala mula Enero 1 hanggang Nobyembre 2, 2025, ang umabot sa 20,412 na pinaghihinalaang kaso ng diphtheria sa walong bansa sa African Region, kabilang ang Algeria, Chad, Guinea, Mali, Mauritania, Niger, Nigeria, at South Africa.
Sa bilang na ito, 1,252 ang naiulat na namatay na may case fatality ratio na 6%.
Karamihan sa mga tinamaan ay mga bata at young adult, kung saan bahagyang mas mataas ang bilang ng mga babae.
Nanatiling hamon ang kumpirmasyon ng kaso dahil sa kakulangan ng laboratory supplies at limitadong kapasidad sa pagsusuri.
Dagdag pa rito, may pandaigdigang kakulangan sa diphtheria antitoxin na mahalaga sa paggamot ng sakit. Ang diphtheria ay isang bacterial disease na maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon gaya ng myocarditis, kidney failure, at pinsala sa nerbiyos.
Ayon sa WHO, mataas ang regional public health risk sa Africa dahil sa patuloy na pagkalat ng outbreak, ngunit mababa naman ang global risk dahil sa matatag na immunization programs sa ibang rehiyon.
















