Matapos ang botohan sa naganap na eleksyon sa Cameroon nitong Linggo, maaaring magbigay-daan ito sa pinakamatandang lider sa Africa, at pinakamatandang pangulo sa buong mundo, na madagdagan pa ang kanyang panunungkulan ng pitong taon.
Malaki ang tsansa na muling manalo si Cameroon President Paul Biya, na sa kasalukuyan ay 92 taong gulang, at aabot sa edad na 99 kapag natapos ang kanyang bagong termino.
Matapos magbitiw sa puwesto ang kauna-unahang pangulo ng Cameroon na si Ahmadou Ahidjo noong 1982, si President Paul Biya na ang namuno sa bansa mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Mula nang makamit ng Cameroon ang kalayaan noong 1960, dalawa lamang ang naging pangulo ng bansa.
Samantala, bagama’t mahigit 43 taon nang nanunungkulan si President Biya, may mga mamamayan sa Cameroon na nananawagan ng pagbabago para sa kanilang bansa.
Kaugnay nito, patuloy na usapin ang kalusugan ng pangulo, dahil umano sa madalas niyang pagpunta sa Europa upang magpagamot.
Ipinagkakatiwala raw niya ang pamamahala sa bansa sa mga opisyal ng gobyerno at ilang miyembro ng kanyang pamilya.