Naghahanap muli ang International Criminal Court (ICC) ng mga Filipino o Tagalog at Cebuano freelance transcriber.
Maalala na noong nakaraang taon ay una nang ipinaskil ng ICC ang anunsyo para sa mga indibidwal na bihasa sa naturang mga wika, ngunit muli itong makikita ngayon sa website ng international tribunal.
Batay sa panuntunan ng ICC, ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon ay sa Disyembre 31, 2025.
Mahigpit na ipinapaalala ng ICC na ang naturang deadline ay nakabatay sa time zone ng The Hague, Netherlands.
Kung lumagpas na sa alas-dose ng hatinggabi ng Disyembre 31, oras sa The Hague, hindi na tatanggapin ng international tribunal ang mga aplikasyon, anuman ang oras sa bansang pinagmulan ng aplikante.
Kasalukuyang naka-detine si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC Detention Centre matapos siyang arestuhin sa Pilipinas noong Marso at tuluyang isinuko sa international tribunal.
















