Isinusulong ngayon ni boxing legend Sugar Ray Leonard na matuloy ang posibilidad na rematch sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at Floyd Mayweather.

Sa pananaw ni Leonard, papatok pa rin daw ito sa mga boxing fans kahit na mahigit 40-anyos na ang dalawang boksingero.

“It’d be a great fight. Put it this way, it should be done,” wika ni Leonard. “People will watch it.”

Naniniwala rin ang boxing icon na magiging iba ang rematch sa unang pagtutuos kung saan nagapi si Pacquiao sa pamamagitan ng decision matapos na sumabak kahit may injury sa kanang balikat.

“When I was 40, I came back and I don’t know who was the guy. I don’t care who was the guy. But you have a different state in your life, spiritually, physically, mentally,” ani Leonard.

“It will help boxing, in a crazy way.”

Binigyang-diin din ni Leonard na maganda raw ang ipinamalas ng fighting senator sa pinakahuli nitong laban kung saan nito nagapi si Keith Thurman.

“Manny looked phenomenal in his last fight,” sambit ni Leonard.

Bago ito, sinabi ni Sean Gibbons, presidente ng MP Promotions na wala pa raw posibilidad sa ngayon na matutuloy ang muling pagtatagpo ng dalawang kampeon sa ibabaw ng lona.