Umabot sa $706 milyon (P41.7 bilyon) ang balance of payments (BOP) surplus ng Pilipinas noong Oktubre, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Mas mataas ito kumpara sa $82 milyon (P4.8 bilyon) noong Setyembre at kabaligtaran ng $724 milyong deficit (P42.8 bilyon) sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ito rin ang pinakamataas na naitalang surplus mula pa noong Pebrero na umabot sa $3.09 bilyon (P182.4 bilyon).
Ang BOP ay talaan ng lahat ng transaksyon ng bansa sa kalakalan, serbisyo, kita, kapital, at pamumuhunan mula sa ibang bansa.
Gayunman, nananatiling may kabuuang deficit na $4.6 bilyon (P271.5 bilyon) mula Enero hanggang Oktubre 2025, kumpara sa $4.39 bilyong surplus (P259.4 bilyon) sa parehong panahon ng 2024.
Binibigyang-diin ng BSP na mahalaga ang BOP bilang sukatan ng kalusugan ng ekonomiya at ugnayan ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
















