Sigurado umanong dadaan sa butas ng karayom si WBA “super” welterweight champion Keith Thurman kung talagang determinado itong magapi si Sen. Manny Pacquiao sa kanilang bakbakan sa Hulyo 21.

Sinabi ni strength and conditioning coach Justin Fortune sa panayam ng Bombo Radyo, tiyak umanong mahihirapan si Thurman na i-handle ang bilis at lakas ni Pacquiao sa gabi ng kanilang sagupaan.

Magiging pangunahing sandata din umano ng 8-division world champion ang body shots lalo pa’t kapwa malakas sumuntok ang dalawa nitong mga kamao.

Ayon pa kay Fortune, mahihirapan din umano si Thurman na makahanap ng sparring partner na kayang maduplika ang kilos ni Pacquiao.

“Whenever the time Manny hits you, it hurts you because he can punch with both hands. [Pacquiao’s] very fast so sad to say he hasn’t [only] got one weapon, he’s got whole bunch of weapons,” wika ni Fortune.

Sa araw ng Sabado nakatakdang lumipad ang Team Pacquiao sa Los Angeles upang doon na ituloy ang mas matinding pagsasanay ng “Fighting Senator.”