-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Customs na kanilang hahabulin ang umano’y kabuuan bilang ng mga luxury cars na pagmamay-ari ng pamilya Discaya.

Bagama’t mayroong nagsasabing nasa 28, 40, at 80 ang mga behikulo nito, ani Customs Comm. Ariel Nepomuceno, sisikapin nilang mahanap ang lahat ng naturang mga sasakyan.

Kaya’t kanyang sinabi na pipiliting mahabol ng kawanihan ang 80 ‘luxury cars’ na sinasabing pagmamay-ari ng pamilya Discaya.

Ito’y kasunod ng 14 na matagumpay nilang makontrol na siyang kabilang sa kanilang mga hinahanap kaugnay sa implementasyon ng ‘search warrant’.

Samantala iginiit naman ng kawanihan na ang paghahabol sa ari-arian ng mga nasasangkot sa isyu ng flood control projects ay hindi lamang nakapokus sa pamilya Discaya.

Nilinaw ni Bureau of Customs Comm. Ariel Nepomuceno na nagkataon lamang ito sapagkat unang naaprubahan ang ‘search warrant’ kontra sa naturang pamilya.

Kaugnay pa rito, kinumpirma ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kanyang pipirmahan na ang ‘request’ na ipinadala ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.

Kung saan aprubado ng kalihim na maisyuhan na ng ‘Immigration Lookout Bulletin Order’ ang mga inbidwal na sangkot sa kontrobersyal na ‘flood control projects’.