Inaasahan ng Bureau of Customs (BOC) ang posibleng Php 20 bilyong revenue loss ngayong taon matapos ibaba ang taripa sa imported rice, ngunit kumpiyansa ang ahensya na maabot pa rin ang target na koleksyon sa tulong ng iba pang pinagkukunan ng buwis.
Ayon kay BOC Assistant Commissioner Atty. Vincent Philip Maronilla, mula nang ibaba ang rice tariffs mula 35% tungo sa 15% sa bisa ng Executive Order 62 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo 2024, umabot na sa Php 13 hanggang Php 14 bilyon ang nawalang kita ng kawanihan.
Sinabi naman ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na malaking bahagi ng koleksyon ay magmumula sa excise tax sa produktong petrolyo at mga pick-up trucks, na ngayon ay sakop na ng buwis sa ilalim ng Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA). Noong nakaraang taon, 24% ng kabuuang kita ng BOC ay mula sa buwis sa petrolyo.
Dagdag pa rito, hindi kasing laki ng kontribusyon mula sa rice tariffs ang inaasahang kita mula sa petrolyo at iba pang commodities, kaya naniniwala silang mapupunan ang kakulangan.
Pagtitiyak naman ni Nepomuceno na sila ay susunod lamang sa kung ano ang magiging pasya ng Department of Agriculture at ng pangulo ukol sa rice importation dahil marami pa naman silang maaaring pagkuhanan ng buwis.
Ngayong taon, target ng Customs ang Php958.7B na koleksyon, at sa unang pitong buwan ay nakapagtala na sila ng Php544.2B. Sa 2026, target ng ahensya ang Php 1T kita, mas mataas ng 11% kumpara ngayong taon.