Binalaan ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko laban sa vishing o voice fishing sa nalalapit na holiday season.
Ayon kay NPC Deputy Commissioner Jose Belarmino III, tumataas ang bilang ng kaso ng voice fishing na naiuulat sa komisyon, kung saan gumagamit aniya ng manipulative tactics para makakuha ng impormasyon mula sa target o biktima.
Paliwanag ng opisyal na ang taktika ng mga nasa likod ng vishing ay lilikha sila ng panic o pinapamadali ang kanilang biktima na agad tumugon sa sitwasyon na hindi naman aniya nangyari gaya ng pagdadahilan na naaksidente ang kapamilya o na-hack ang account sa opisina para mag-react agad.
Kaugnay nito, hinimok ng opisyal ang publiko na huwag magpanic at iberipika muna ang claims bago magbigay ng anumang impormasyon.
Pinayuhan naman ng opisyal ang publiko na huwag magbibigay ng personal information sa mga establishimento kung hindi malinaw ang layunin.
Gayundin pinayuhan ng komisyon ang personel information controllers gaya ng mga kompaniya at establishimento na huwag kunin ang personal contact numbers kung hindi naman kinakailangan.
Pinaalalahanan din ang publiko na mag-ingat laban sa mga kahina-hinalang callers at huwag magbibigay ng anumang impormasyon gaya ng one-time password, o detalye ng bangko sa phone call.
















