-- Advertisements --

Hinimok ng National Privacy Commission (NPC) si Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na pormal na maghain ng isang reklamo sa kanilang tanggapan laban kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng isang insidente na naganap sa social media.

Ito ay may kinalaman sa pag-post ng senador ng isang yearbook photo ni Ridon kasama si dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sa kaniyang social media account.

Ayon kay Representative Ridon, ang nasabing post na ginawa ni Senador Estrada ay naglalaman ng kanyang personal na impormasyon, kabilang na ang kanyang buong pangalan, ang kanyang eksaktong kaarawan, numero ng kanyang telepono, at maging ang address ng bahay ng kanyang Lola.

Nakakabahala rin aniya ito dahil sa sensitibidad nito at potensyal na paggamit sa hindi awtorisadong paraan.

Kinumpirma ng National Privacy Commission (NPC) na ang mga detalyeng binanggit ni Ridon, tulad ng buong pangalan, kaarawan, numero ng telepono, at address, ay maituturing na personal na impormasyon sa ilalim ng Data Privacy Act.

Ang paglalantad ng ganitong uri ng impormasyon nang walang pahintulot ay isang seryosong bagay.

Ito ay may kaakibat na parusa, kabilang na ang pagkakakulong ng isa hanggang tatlong taon at multa na umaabot sa ₱500,000.

Bukod pa rito, dahil ang nagkasala ay isang public official, maaari rin siyang maharap sa mas mabigat na parusa tulad ng temporary o permanent disqualification mula sa public office.

Ito ay upang matiyak na ang mga opisyal ng gobyerno ay may pananagutan sa kanilang mga aksyon at sinusunod ang batas.

Binigyang-diin pa ng NPC na kahit na tanggalin o i-takedown ni Senador Estrada ang nasabing post, may karapatan pa rin si Representative Ridon na magsampa ng kaso kung naniniwala siyang siya ay na-agrabyado o napinsala ng insidente.