-- Advertisements --

Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) na nananatili sa kanilang kustodiya ang mamamahaling mga sasakyan ng mga Discaya.

Ito ay kasunod ng lumabas na isang social media post na nagsasabing nakita umano sa Metro Manila na minamaneho ang isa sa luxury cars ng mga Discaya.

Subalit sa isang statement, sinabi ng BOC na ang Rolls-Royce na ipinakita sa isang viral video online ay iba sa plate number mula sa kanilang kinumpiskang sasakyan mula sa mga Discaya.

Paliwanag pa ng kawanihan na ang lahat ng mga nakumpiskang mga sasakyan ay striktong binabantayan ng Customs Police, may physical barriers, security personnel at inventory controls para maiwasan ang hindi awtorisadong pag-access, paggalaw o paglalabas ng mga ito.

Giit pa ng bureau na walang nakumpiskang property ang maaaring ilabas nang walang kaukulang pahintulot.

Anuman aniyang hindi awtorisadong paglalabas, tampering o paggalaw sa nakumpiskang gamit ay may karampatang seryosong paglabag na pinaparusahan sa ilalim ng umiiral na customs laws at regulations kabilang ang parusang administratibo at kriminal.