-- Advertisements --

Nasa kamay na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa isinagawang imbestigasyon sa mga tinaguriang “ninja cops.

Mismong si Sen. Bong Go ang personal na naghatid nito kay Pangulong Duterte kagabi.

Sinabi ni Sen. Go, may kopya siya ng naturang report bilang miyembro siya ng naturang komite.

Magugunitang inilabas kahapon ni Senate Blue Ribbon Chair Richard Gordon ang laman ng committee report.

Kabilang sa mga rekomendasyon ay ang masampahan ng kasong katiwalian at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si dating PNP Chief Oscar Albayalde dahil may kinalaman umano siya sa pagre-recycle ng droga na nasabat sa raid sa Pampanga noong 2013.

Matatandaang inihayag noon ni Pangulong Duterte na ayaw muna niyang husgahan si Albayalde at nais munang hintayin ang kalalabasan ng imbestigasyon ng Senado at ng isa pang hiwalay na imbestigasyon ng DILG kaugnay sa isyu ng “ninja cops.”

Pero tinanggap na ng pangulo ang pagbibitiw sa pwesto ni Albayalde dahil nabahala rin siya sa pagganap ng tungkulin ng PNP chief sa kabila ng mga alegasyong ibinabato sa kanya.