Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng Revenue Memorandum Circular No. 38-2026 na nagtatakda ng paggamit at obligadong paglalagay ng BIR Registration Seal Badge para sa mga negosyong kumikita sa online platforms.
Sakop ng panuntunan ang mga online seller, freelancer, propesyonal, vlogger, influencer, at iba pang indibidwal na kumikita sa digital economy.
Sa halip na ipaskil ang buong Certificate of Registration (COR), ang badge na may QR Code mula sa Online Registration and Update System (ORUS) ang dapat ipakita upang maprotektahan ang sensitibong impormasyon gaya ng TIN at business address.
Libre ang pagkuha ng badge at maaaring makuha online o sa Revenue District Office, ngunit may P30.00 Documentary Stamp Tax para sa mga nag-a-update ng rehistro online.
Hindi obligadong palitan ng mga kasalukuyang taxpayer ang kanilang COR na walang QR Code, ngunit hinihikayat silang mag-update para sa mas maayos na beripikasyon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, bahagi ito ng Revenue Collection and Base Protection efforts ng BIR DARES upang matiyak na ang mga negosyo sa digital marketplace ay rehistrado, nakikita, at accountable mula sa simula.
Dagdag pa niya, ang Seal Badge ay nagbibigay proteksyon sa mga lehitimong online seller at nagsisilbing gabay sa mga mamimili upang madaling matukoy kung rehistrado sa BIR ang kanilang ka-transaksyon.
















