Magdedeploy ng mga barko at eroplano ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos matukoy ang apat na Chinese research vessels na nagsasagawa umano ng ilegal na marine scientific research sa loob at malapit sa mga katubigan ng bansa.
Ayon sa PCG, ang presensya ng mga barko ay paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) dahil wala silang pahintulot mula sa gobyerno ng Pilipinas.
Kabilang sa mino-monitor ay ang Xiayanghong 33, Shi Yan 1, Jia Geng, at Zhuhaiyun, na pawang may kakayahang magsagawa ng deep-sea at advanced oceanographic research gamit ang high-tech equipment, sensors, at unmanned vehicles.
Ang mga barko ay namataan sa iba’t ibang lokasyon malapit sa mga katubigan ng Palawan, Batanes, at Pangasinan.
Sinabi ng PCG na patuloy nilang babantayan ang galaw ng mga ito alinsunod sa Philippine at international maritime laws.
Giit ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, hindi nila kukunsintihin ang anumang ilegal na marine research sa loob ng sakop ng bansa at gagamit ng barko at aircraft para harangin at paalisin ang mga hindi awtorisadong sasakyang-dagat upang protektahan ang soberanya ng Pilipinas.
















