Naglabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit P11 million bilang emergency cash assistance para sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pag-aalburuto ng Mayon Volcano.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng emergency cash transfer (ECT) sa mga evacuee na pansamantalang nananatili sa isang tent city sa bayan ng Malilipot noong Huwebes.
Ayon sa DSWD, umabot sa kabuuang 1,105 benepisyaryo mula sa Camalig, Ligao City, Malilipot, at Tabaco City ang sabay-sabay na makatatanggap ng tulong.
Bawat pamilya ay tatanggap ng P10,230, katumbas ng P341 kada araw sa loob ng 30-araw, upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ayon kay DSWD Bicol information officer Mary Gizelle Mesa, bahagi ang payout ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng matagal na unrest ng bulkan.
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano, dahilan upang libu-libong residente sa lalawigan ng Albay ang manatili sa mga evacuation center para sa kanilang kaligtasan.
















